Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya

Sa mga pamayanang pantao, maaaring mayroong intensiyon (hangarin), paniniwala, likas na mga mapagkukunan, mga preperensiya (pagpili o paghihirang ng mga kagustuhan), mga pangangailangan, mga panganib o pakikipagsapalaran, at isang bilang pa ng ibang mga kondisyon o kalagayan, na pangkaraniwan at nakakaapekto sa katauhan ng mga nakikiisa o nakikilahok at ang antas ng kanilang kohesyon o pagsasamahan.
Magmula noong pagsilang o pagdating ng Internet, ang diwa ng pamayanan ay nabawasan ang pagkakaroon ng limitasyon o hangganang pangheograpiya, dahil sa ang mga tao ay birtwal na nakapagtitipon sa loob ng tinatawag na pamayanang "nasa linya" o online community sa Ingles, at may pinagsasaluhang pangkaraniwang mga hangarin kahit na saan man sila naroroon. Bago ang pagsapit ng Internet, ang mga pamayanang birtwal (katulad ng mga organisasyong panlipunan o akademiko) ay talagang mas limitado dahil sa mga kaampatan o kasalatan ng magagamit na mga teknolohiyang pangkomunikasyon at pangtransportasyon.
Ang salitang "komunidad", na nangangahulugang "pamayanan" ay mula sa wikang Kastila. Samantala, ang katumbas nito sa wikang Ingles na community ay nagbuhat sa Lumang Pranses na communité na hinango naman mula sa wikang Latin na communitas (cum, "may/magkasama" + munus, "alay/regalo/aginaldo"), isang malawak na kataga o katawagan para sa samahan o inayos na lipunan (organisadong kapisanan).